Kagabi, lampas lang ng kaunti sa ala-sais, naglalakad ako sa “sidewalk” ng Tandang Sora Avenue, sa Quezon City. Papunta ako sa isang turo-turo para bumili ng ulam naming pamilya. May dalawang paslit na lalaki na nauunang maglakad kaysa sa akin, walo o siyam na taong gulang na sila. Pagdaan nila sa isang “van” na nakaparada sa gilid, biglang binuksan ng nagmamanehong lalaki yong “headlights” niya at tatawid sana siya papunta sa kabilang kalye. Halos tamaan niya yong dalawang bata. Mabuti at naka-iwas sila. Hindi pwedeng hindi nakita ng drayber yong mga bata kasi may liwanag naman galing sa mga “lampposts” at sa mga dumadaang dyip. Naaasar ako sa drayber. Binilisan ko ang lakad ko para matitigan ko ng masama yong drayber bago siya umikot pa.
Tinignan ko yong mga naglalakad pa ring mga bata kung ayos lang sila. Palingon-lingon sila sa drayber, para bang nag-iisip kung bakit sila gustong sagasaan yata kanina. Tapos, dahil malapit na ko sa mga bata, medyo naamoy ko sila. Medyo maantot. Madungis yong katawan at damit nila. Nakita ko rin na wala silang sapin sa paa. Parang ang kapal na nga ng ilalim ng paa nila sa kakalakad ng walang saplot sa kanilang mga murang paa. Naawa naman ako bigla. Ganun talaga ako, eh, mabilis maawa sa mga batang ganito na nakikita ko sa kalye. Pero siguro kahit na sino naman na nakakakita sa mga batang ganito kung saan-saan sa Metro Manila ay nakakaramdam din ng awa sa kanila. Ay, hindi pala lahat. May mga taong katulad nung drayber na gusto yata silang sagasaan, o sindakin man lang. Mas lalo pa akong naawa kasi naisip ko baka na-“trauma” yong bata sa ginawa ng drayber sa kanila. O, baka naman sanay na ang mga batang eto sa mga peligro sa kalye at malilimutan din nila ang nangyari?
Pero, sa oras na yon, parang naramdaman ko na kailangang may gawin ako para sa mga batang eto. Kinausap ko habang naglalakad sila, nasa likod nila ako. “Magkapatid kayo?” tanong ko. “Hindi po, magkasama lang,” tugon ng isa. “Ba’t wala kayong tsinelas,” tanong ko uli. “Po?” sagot naman ng isa. “Tara, tignan natin dun sa kanto, baka may tindang tsinelas, punta tayo dun,” aya ko sa kanila. Sumunod naman sila, masunuring mga bata.
At buti na lang nga, yong isang maliit na “variety store” sa kanto, may mga tsinelas. Tinanong ko yong babaeng nagtitinda kung may kasya dun sa mga bata, yong mura lang, sabi ko (baka kasi kulangin ang pera kong dala, heheh). Yong sa mas maliit na bata, may nagkasya agad na tsinelas na goma. Yong mas malaking ng konti na bata, mas malaki ng konti sa paa nya yong isang tsinelas na goma rin. Sabi ko, pwede na yan, kasi mabilis ka naman tatangkad pa. Sabi ng nagtitinda, ano ko raw yong mga bata. Sabi ko nakasabay ko lang sila. Binayaran ko ng “tapwe” (singkwenta pesos, “tapwe” nga ba tawag dun, sa John en Marsha ko ata narinig yon noon-noon pa heheh) yong babae at iniwan na yong mga bata kasi bibili pa nga ko ng ulam. Pero binilinan ko yong mga bata na huwag nila iwawala yong mga tsinelas nila. “Opo,” narinig ko habang palayo ako.
Maya-maya, bitbit ko ang mga supot ng pinamili kong ulam, pabalik na ko sa bahay sa ganung kalye din nang makita ko yong dalawang bata sa tindahan na kung saan ko sila iniwan. Mukhang busy yong babaeng nagtitinda sa paghalukay sa lalagyan nila ng mga tsinelas na paninda. “O, anong nangyari sa tsinelas mo?” sabi ko dun sa medyo mas malaking bata, kasi wala na naman siyang saplot sa paa. “Ay, ayaw niya yong tsinelas, Ate, malaki raw. Choosy sya. Kaso wala na talagang kasya sa kanya,” hirit ng nagtitinda sa akin. “Ay, ganun,” sabi ko. “Sige, bigyan mo na lang ng medyo mas mahal na tsinelas, baka may sukat siya doon” (may natira pa kasi akong pera sa pitaka ko, heheh). Eh di naghanap na sya sa iba nilang “stock,” at sa wakas ay may kasukat na sa paa ng bata. Nagdagdag ako ng trenta’y-singko pesos para sa tsinelas, at binilinan ko uli yong dalawang bata na ingatan nila ang kanilang mga suot pati na rin ang sarili nila.
Yon, kaya ang pakiusap ko lang sa inyo na makababasa nito maikling “true story” na eto ay kung may mga tsinelas o sapatos na kinalakihan na ng mga bata sa inyong bahay, ipunin ninyo ang mga eto, huwag itapon, huwag ibigay para kagat-kagatin ni Bantay. Ibigay ninyo na lamang sa mga bastang paslit sa paligid-ligid natin. Marami sila. Siyempre, mas maganda kung may maibabahagi tayong iba pang bagay sa kanila bukod sa tsinelas o sapatos. Pero, magandang simula na rin na saplot man lamang sa paa ay maihandog natin sa mga batang eto. Mahirap maglakad ng nakayapak. Mahirap pumunta sa gusto mong puntahan. Mahirap bumuo ng mga pangarap kapag ang hubad mong paa ay nakalapat diretso sa lupa or sa semento na kinatatayuan o nilalakaran mo, na para bang sinasabing akin ka, dito ka lang sa kalye, dito ka lang nababagay, wala ka ng pag-asang maka-alis dito upang magkaroon ng mas magandang buhay. Pero kung may maibabahagi tayo sa ganitong mga bata, baka sakaling dahil sa maramdaman nilang kabaitan at pag-alala mula sa ibang tao ay maisip nila sa murang edad nila na may halaga sila, at may pag-asa pa sila sa kabila ng isang mahirap na buhay na kinagisnan nila.
Wala dapat na batang nakayapak, di nakakaligo, di nakakakain, di nakakapag-aral. Wala dapat na batang di maaring mangarap at makamit ang isang magandang buhay.
No comments:
Post a Comment